Sa araw na ito, Disyembre 19, ay ipinagdiriwang ang National Emo Day sa iba’t ibang panig ng mundo para alalahanin at ipagbunyi ang kulto at kulturang binuo at pinalaganap ng emo bilang subgenre ng pop rock music.

Ayon sa mga tala, pinaniniwalaang umusbong daw ang emo sa Washington D.C. noong kalagitnaan ng 1980s sa pangunguna ng banda ni Guy Picciotto na Rites of Spring.

Kung ang disenyo ng musika ng punks ay mas nakatuon sa mga panlipunan at politikal na isyu, kabaligtaran naman ang disenyo ng musikang emo.

Mas nakatuon kasi ito sa mga personal na danas ng tao. Sakit o pagdurusa, halimbawa, na dulot ng mapaglarong jowa o ng amang nang-abandona.

Trending

Mag-jowa naghiwalay na, na-engage na sa iba pero MRT-7 hindi pa rin daw tapos

Confessional ang atake kumbaga. Nagmumula sa loob. Personal, na kalaunan ay makakatawid sa pandama ng ibang tao.

Dahil hindi ba’t unibersal na danas naman ang mga sakit at pagdurusang nililikha ng mga minahal na nawala? O iyong mga minahal na hindi naman talaga nawala pero hindi na kailanman natagpuan?

Sa pagi-pagitan ng panahon, nagsulputan ang marami pang banda na ang mga iniluluwal na musika ay itinuring umanong emo.

Nariyan ang Weezer, Jimmy Eat World, saka Get Up Kids. Pati ang Saves The Day at Fall Out Boy din siyempre.

Pero lalo pa umanong sumikat ang kulto at kulturang bitbit ng emo nang sumulpot ang bandang My Chemical Romance noong 2001.

Nagkaroon na rin ng sariling estilo ng pananamit ang mga tagapagtangkilik ng musikang ito na nagsilbing identidad nila.

Itim halos ang kabuuan ng kanilang mga suot. Mula sa pang-itaas na damit na hapit sa katawan hanggang pang-ibabang skinny jeans na may sinturong studded.

Syempre, hindi makokompleto ang porma ng isang emo kung walang nakaguhit na eyeliner sa kanilang mata at mahabang bangs na nakawahi.

Kaya kung itinuturing mo ang sarili bilang bahagi ng kulto at kultura ng emo, ito ang iyong araw. Mabunyi’t magdiwang.

Halungkatin sa aparador ang inaalikabok nang fitted na black t-shirt. Pati ang skinny jeans na may katernong studded belt. Guhitan na ng eyeliner ang mata.

I-ready na rin ang playlist ng My Chemical Romance at ng iba pang nabanggit na banda sa itaas. Damhin ang bawat lyrics ng kanilang mga kanta.

Pero kung wala na ang mahabang bangs dahil kalbo o napapanot na, huwag mag-alala. Tandaan, wala sa haba ng bangs ang sukatan ng pagiging tunay na emo, nasa puso.