Nag-react si House Speaker Martin Romualdez sa naging paraan ng pagbati sa kaniya ng tagasuporta ni Vice President Sara Duterte sa Japan.

Matatandaang nagtungo sa Japan si Romualdez upang samahan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdalo nito sa Commemorative Summit sa relasyon ng Japan-ASEAN.

Kaugnay nito, sa maikling video na ibinahagi ng isang netizen sa X kamakailan ay makikita ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Japan na bumati sa House leader.

May dala ang naturang OFW na isang maliit na bandila ng Pilipinas at placard na may nakasulat na "Please support VP Inday Sara Duterte ♡.”

National

VP Sara, nagbitiw bilang miyembro ng Lakas-CMD

Mapapansin din sa nasabing video na tumingin sa naturang placard si Romualdez, saka ito nakangiting sumenyas sa cameraman para kumuha na ito ng larawan.

Samantala, tila aksidenteng natamaan ang House speaker ng stick ng Philippine flag na hawak ng OFW. Ngumiti na lamang naman si Romualdez at saka ipinagpatuloy ang pagpapakuha ng larawan.

Sa isa namang pahayag nitong Linggo, Disyembre 17, nagbigay ng reaksyon si Romualdez sa nangyari at sinabing sumasang-ayon daw siya sa placard ng nasabing OFW.

"I agree with the [OFW] who greeted me in Japan with a placard bearing a significant message. We should all support and respect the Vice President," ani Romualdez.

"The same respect and support that we should extend to the President and other government officials," dagdag pa niya.

Matatandaang si Romualdez ang tumayong campaign manager ni Duterte nang tumakbo ito bilang bise presidente noong nakaraang taon.

Samantala, nagkaroon ng “lamat” ang pagsasama ng dalawa dahil sa diumano’y nabigong pagtatangkang kudeta laban kay Romualdez ni dating pangulo at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na nawalan ng posisyon sa Kamara.

Tila kinampihan naman umano ni Duterte si Arroyo nang biglang magbitiw siya sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), na pinamumunuan ng Romualdez.

Bukod dito, kamakailan lamang ay pinatutsadahan din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Romualdez at sinabing inaatake umano nito ang kaniyang anak dahil nagbabalak daw itong tumakbo sa 2028 presidential elections.

“‘Yang si Romualdez, he’s wallowing–Alam mo kasi, ewan ko kung bakit inaano niya si Inday (VP Sara). Si Inday naman is perceived to be a good candidate. But I’m saying now that Inday, as far as I’m concerned, should not run for president,” saad ni dating Pangulong Duterte kamakailan.

https://balita.net.ph/2023/10/13/ex-pres-rodrigo-duterte-magde-demand-ng-audit-pag-tumakbo-bilang-pangulo-si-romualdez/

Ang naturang pahayag ng dating pangulo ay matapos isama ng Kamara ang 2024 confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa mga ililipat sa mga ahensyang dumidepensa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at nakatutok sa “peace and order” ng bansa.

https://balita.net.ph/2023/09/29/%e2%82%b1650-m-confidential-funds-ng-ovp-deped-ililipat-sa-security-agencies-house-leader/

Samantala, kamakailan lamang ay sinagot naman ni Romualdez ang naturang mga patutsada sa kaniya ni dating Pangulong Duterte.

https://balita.net.ph/2023/11/17/romualdez-sa-patutsada-ni-duterte-di-eleksyon-ang-sagot-sa-sikmurang-gutom/