Isinuko na rin ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang hiling ng DepEd na ₱150 milyong confidential funds para sa 2024, ayon kay Senador Pia Cayetano.

Sa isinagawang Senate plenary deliberation hinggil sa proposed ₱5.768-trillion national budget nitong Huwebes, Nobyembre 9, binasa ni Cayetano, na siyang dumipensa sa proposed ₱718-billion budget ng DepEd para sa 2024, ang pahayag ni Duterte na hindi na rin ipupursige ang panukalang confidential funds ng ahensya.

“We are all parents who want to protect our children. Ang seguridad ng mga bata ay seguridad ng kinabukasan ng ating bayan. Nonetheless, DepEd will no longer pursue confidential funds,” pahayag ni Duterte na binasa ni Cayetano.

“We humbly request that the funds be realigned to the National Learning Recovery Program (NLRP) because we do not expect good scores for the 2022 PISA results coming out this December,” dagdag pa niya.

VP Sara, ‘di na ipupursige ang confidential funds ng OVP para sa 2024

Nauna nang binanggit sa deliberasyon ng Senado nito ring Huwebes ang pahayag ni Duterte na hindi na nila ipupursige ang panukalang ₱500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.

Bago ang deliberasyon sa Senado, matatandaang napagdesisyunan ng Kamara kamakailan na isama ang nasabing panukalang 2024 confidential funds ng OVP at DepEd sa mga ililipat sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at may kinalaman sa “peace and order” ng bansa.

https://balita.net.ph/2023/09/29/%e2%82%b1650-m-confidential-funds-ng-ovp-deped-ililipat-sa-security-agencies-house-leader/

Ang naturang desisyon ng Kamara ay matapos naging mainit na usap-usapan ang kontrobersiyal na ₱125-million confidential funds ng OVP noong 2022 na nagastos umano sa loob ng 11 araw.

https://balita.net.ph/2023/09/25/%e2%82%b1125-m-confidential-funds-ng-ovp-ginastos-sa-loob-ng-11-araw-quimbo/