Hindi na nakaupo si Direk Paul Soriano bilang presidential adviser on creative communications, ayon kay Senador Sonny Angara.

Kinumpirma ito ni Angara sa Senate plenary deliberation sa P5.768-trillion national budget para sa 2024 nitong Huwebes, Nobyembre 9.

Sa naturang deliberasyon, tinanong ni Senate Minority Aquilino “Koko” Pimentel Jr. ang tungkol sa kung sino umano ang nagpondo sa ad campaign na: “We give the world our best.”

Ayon kay Angara, titingnan pa nila ang tungkol dito dahil panahon pa raw ng panunungkulan ni Soriano nang ilunsad ang naturang campaign.

National

Film director Paul Soriano, itinalagang adviser for creative communications

“It was still during the time of Director Paul Soriano. Baka siya ang nakakaalam, we’ll ask,” ani Angara.

“Wala na ba siya ngayon?” tanong naman ni Pimentel.

“Wala na po,” saad ni Angara.

Habang sinusulat ito’y hindi pa naman malinaw kung bakit wala na sa naturang posisyon si Soriano.

Matatandaang buwan ng Oktubre 2022 nang ianunsyo ng Malacañang ang pagtalaga kay Soriano bilang presidential adviser on creative communications.

Samantala, noong Hulyo 2023 nang mag-leave umano siya dahil sa personal na kadahilanan.

Si Soriano, kasama ang kaniyang asawang si Toni Gonzaga, ay kilalang tagasuporta ni Marcos noong nakaraang eleksyon.

Siya rin ay pamangkin ni First Lady Liza Araneta Marcos.