Iginiit ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na nararapat na bigyan ng “overtime pay” ang mga gurong nagsilbi bilang board of election inspectors (BEIs) sa isinagawang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

“Dapat na mabigyan ng overtime pay ang mga gurong nagsilbi lagpas sa itinakdang oras sa nakaraang BSKE. Tiniis uli nila ang hirap, pagod at puyat para magkaroon ng maayos na halalan kaya dapat lang na suklian naman ang kanilang pagpapagal,” pahayag ni Castro nitong Biyernes, Nobyembre 3.

“Ibatay man natin sa Joint Circular CSC-DBM No.2 Series of 201, walang express [na] nakalagay o nakasulat na yung agency na employer lang ang pwedeng mahingan/masingil ng overtime pay,” dagdag pa niya.

Matatandaang inihayag kamakailan ng Comelec na naisin man nilang pagkalooban ng overtime pay ang mga guro ay hindi naman nila ito kayang gawin dahil wala umanong budget ang poll body para dito.

National

Mga gurong nagsilbi sa BSKE, walang overtime pay

Kaugnay nito, binanggit din ni Castro na ang Comelec umano ang nagbigay ng awtorisasyon o hindi nagbawal sa mga guro na mag-overtime sa BSKE, kaya’t dapat umanong may inilaang budget para sa mga ito.

“Teachers (BEIs, poll workers) are deputized workers of the Comelec during elections. The Comelec should have included the overtime pay of teachers when they proposed their budget for the BSKE because now it is the teachers who rendered services are being shortchanged,” ani Castro.

“We will propose an investigation of this matter when session resumes next week and see if we can move for a supplemental budget for the overtime pay of teachers,” saad pa niya.