Naghain ng protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa naging pagmamaneobra ng China sa mga vessel ng Pilipinas sa katubigang sakop ng West Philippine Sea (WPS).
Sa isang public briefing, ibinahagi ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza na ipinatawag nito ang top diplomat ng China sa Maynila upang magpaliwanag umano sa nangyari.
Samantala, naka-”out of town” umano si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, kaya’t ang humalili at nakipagpulong sa mga opisyal ng DFA ay ang Deputy Chief of Mission (DCM) ng Chinese Embassy in Manila.
"We're making full use of diplomatic processes, and are exercising all possible actions available to us," ani Daza.
Kaugnay nito, kinondena ng Pilipinas ang nangyaring pagbangga ng China Coast Guard (CCG) sa Armed Forces of the Philippines (AFP)-contracted indigenous resupply boat na Unaiza May 2 (UM2), maging ang pagbangga umano ng Chinese Maritime Militia vessel 00003 (CMMV 00003) sa port side ng Philippine Coast Guard (PCG) na MRRV 4409 nitong Linggo, Oktubre 22.
“They're also illegal, dangerous, provocative and deplorable," saad ni Gaza.
Sa ngayon, ayon sa DFA spokesperson, may kabuuang 465 na diplomatikong protesta na umano ang inihain ng Pilipinas laban sa China mula noong Enero 2020, kabilang na ang 55 na inihain ngayong taon, ngunit ilan lamang umano rito ang sinagot.
Sinabi rin naman ni Gaza na patuloy na igigiit ng bansa ang soberanya nito at gagamitin ang mga karapatan sa WPS, kabilang na ang Ayungin Shoal, batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea at sa 2016 arbitral ruling.