
(Manila Bulletin File Photo)
NBI probe vs ex-aide ni suspended LTFRB chief Guadiz, pinapa-postpone
Humirit ang dating opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Jeff Tumbado na ipagpaliban muna ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nakatakdang imbestigasyon laban sa kanya sa Lunes, Oktubre 16, kaugnay ng alegasyon nito na dawit umano sa korapsyon si suspended LTFRB chief Teofilo Guadiz III.
Sinabi ni Tumbado sa panayam sa radyo nitong Linggo, natanggap na niya ang subpoena ng NBI para sa nasabing imbestigasyon.
Gayunman, hiniling na ni Tumbado na i-postpone ang imbestigasyon dahil dadalo pa umano ito sa pagdinig ng Kamara sa Martes, Oktubre 17.
Nauna nang ipinaliwanag ng Department of Justice (DOJ) na inaasahang maghahain ng mga ebidensya si Tumbado kaugnay ng alegasyon nito na talamak ang corruption sa LTFRB.
Nangako rin si Tumbado na makikipagtulungan siya sa pagsisiyasat ng NBI sa usapin.
Matapos ang pagbubunyag, binawi rin ni Tumbado ang kanyang pahayag at sinabing epekto lamang ito ng "magulo niyang pag-iisip."
Matatandaang sinuspindi ng Malacañang si Guadiz kasunod ng alegasyon ni Tumbado.