Pormal nang inilunsad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Linggo ang isang brand-new at automated na Philippine Lottery System (PLS) sa bansa.

Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng PCSO na ang naturang bagong PLS ay inaasahang maghahatid ng maraming benepisyo, kabilang na rito ang sentralisasyon ng sales reports, generation ng winning numbers, at mas accessible na balidasyon ng mga tickets, na magreresulta sa mas pinahusay na efficiency at transparency para sa PCSO at mga lotto bettors.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Mismong si PCSO General Manager Mel Robles at iba pang opisyal ng ahensiya, kasama ang Commission On Audit, ang sumaksi sa matagumpay na transisyon ng lumang lottery system sa  pinakabagong state-of-the-art technology, na alinsunod sa world-class standards, sa PLS Command and Control Center sa PCSO Conservatory Building sa Mandaluyong City.

"We are thrilled to embark on this significant transition towards automation of our system for our lotto games. The Philippine Lottery System Project is a testament to our commitment to innovation and providing the best experience for our valued customers," ayon kay GM Robles.

"Through this joint venture with Philippine Gaming and Management Corporation, Pacific Online Systems Corporation, and International Lottery Totalizator System Inc., we will bring about a new era of efficiency, transparency, and convenience in lottery operations," aniya.

"All lottery operations are now seamlessly integrated into a unified platform," dagdag pa niya.

Nabatid na sa nakalipas na dalawang dekada, ang PCSO ay gumagamit ng dalawang hiwalay na lottery systems para sa ticket-selling operations ng kanilang lotto outlets.

Kabilang dito ang Philippine Gaming and Management Corporation (PGMC) system para sa Luzon at ang Pacific Online Systems Corporation (POSC) system para naman sa Visayas at Mindanao.

Bagamat ang plano ng ahensiya na gawing centralized ang lottery system ay may isang dekada nang inaayos, natigil ito dahil sa iba’t ibang hindi inaasahang pangyayari, kabilang na rito ang COVID-19 pandemic.

Nabatid na ang naturang proyekto, na nagkakahalaga ng P5.6 bilyon, ay pinasimulan ng dalawang unang administrasyon sa PCSO at sumailalim sa public bidding.

Ang winning bidder ay pinagkalooban ng Notice to Proceed noong Disyembre 6, 2021, at unang binigyan ng 14 na buwang upang ipatupad ang PLS, ngunit malaunan ay binigyan ng walong buwang ekstensiyon upang kumpletuhin ang manufacturing processes dahil na rin sa supply chain problems dulot ng pandemya.

“Now, the PLS enables the PCSO to efficiently generate draw results, leading to quicker announcements of jackpot winners and their respective locations. Moreover, the Agency can conduct more advanced draws,” ayon sa PCSO.

Ang bagong lottery system ay sinertipikahang tumatalima sa World Lottery Association security control standards (WLA-SCS), kabilang na ang ISO 27001 standards, na tumitiyak sa integridad at seguridad nito.

Binigyang-diin naman ni GM Robles na ang PCSO ay committed sa paghahatid ng natatanging serbisyo at karanasan sa kanilang mga kostumer, sa pamamagitan nang patuloy na pagpapahusay ng kanilang mga operasyon.