Ikinuwento ng dalawang komedyanteng sina Melvin Enriquez Calaquian o mas kilalang “MC” at Reginald Marquez na mas kilala bilang “Lassy” ang simula ng friendship nila ni “Unkabogable Star” Vice Ganda sa kanilang panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, Setyembre 27.

Hindi pa man lumalabas sa telebisyon, “Vice Ganda” na umano si Vice sa mga comedy bar. Sa katunayan, itinuturing na siya noon bilang “Reyna ng Comedy Bar”. Kaya nang mag-audition umano sina MC at Lassy sa isang comedy bar at nakita nilang isa si Vice sa mga hahatol sa mga auditionee, abot-langit ang kaba ng dalawa

“Noong nag-audition kami, nasa harapan talaga siya. Nasa gilid siya ng stage. Naka-ganoon [nakahalukipkip]...Akala mo siya ang may-ari,” kwento ni MC.

“Pero katabi niya ‘yung pinakamay-ari. Kung maka-gaanoon siya, akala mo siya [may-ari],” dagdag pa ni Lassy. 

Lassy at MC pang best actor

Si Vice kasi umano ang pinaka-kanang kamay ng may-ari dahil hindi naman talaga maitatanggi ang husay nito sa pagpapatawa.

“Parang siya ‘yung tinatanong ng may-ari, ‘ano pasado ba?’” sabi pa ni MC.

Sa awa ng Diyos, nakapasa naman umano sina MC at Lassy sa nasabing audition. 

Matatandaang noong 2019 ay napuri ang dalawa sa ipinakita nilang husay sa kinabilangang pelikula na “Two Love You” kasama sina Yen Santos, Kid Yambao, Arlene Muhlach, at iba pa.