Muling binalaan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko dahil sa patuloy pagbuga ng vog o smog ng Bulkang Taal.

Paliwanag ng Phivolcs, mapanganib sa kalusugan ang volcanic smog kaya dapat na magsuot pa rin ng mask ang mga residente sa paligid ng bulkan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sinabi ng ahensya, ang nasabing pag-aalburoto ay naobserbahan nitong Huwebes ng hapon kung saan nasa 4,569 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan.

Nagbuga rin ito ng 2,400 metrong taas ng puting usok na napadpad sa timog-timog kanluran, hilaga-hilagang silangan at timog kanluran.

Sa kabila nito, nasa anim na pagyanig na lamang ang naitala ng ahensya sa nakaraang 24 oras.

Matatandaang apektado ng vog ang mga lugar sa paligid ng bulkan simula nitong unang linggo ng Setyembre.

Ipinagbabawal pa rin ng Phivolcs ang paglapit at pagpasok sa Taal Volcano Island (TVI), lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures dahil sa nakaambang pagputok nito.