Pinusuan ng mga netizen ang Facebook post ng isang elementary teacher sa Masbate City matapos niyang ibahagi ang kaniyang feeding project para sa kaniyang advisory class.

Makikita sa isa sa mga viral Facebook post ng gurong si "Ronnie V. Valladores Jr., 31-anyos mula sa Brgy. Anas, Masbate City, ang kaniyang personal na paghahanda ng mga pagkain para sa kaniyang pupils sa Grade 5, sa Anas Elementary School.

Mababasa sa kaniyang FB post, "Paano ko imotivate ang aking mga pupils pumasok? Our free lunch for today.

Pork Menudo with green peas, potato, carrots and other vegies. Tortang talong with egg. Plain Rice. Dalandan Fruit. Orange Juice."

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

"NOTE: Magkakaroon po kami ng mini kitchen beside/outside my classroom. On going na po ang construction. This will be good for 1 year every Monday and Friday. We are still looking for sponsors from Tue - Thu. Salamat sa aking 2 major sponsors. Maam Elena Caunt as well as foodpanda."

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Sir Ronnie, napag-alamang Teacher III na pala siya at walong taon nang nagtuturo sa elementarya.

Bukod sa pagiging guro, isa rin siyang content creator. Malaki ang naitutulong ng pagiging content creator niya upang makapangalap ng pondo para sa kaniyang proyekto, bukod sa nakahahanap pa siya ng sponsors para dito. Isang kompanya ng delivery app ang nakakatuwang niya sa mga gastusin para sa libreng lunch at meryenda ng mga bata, bukod pa sa iba pang followers at individual sponsors na nakapangako na sa kaniya.

"Sponsored po ang aking feeding program. Nag reach out sa akin ang FoodPandaPH and 2 private donors telling they will support my feeding program for 1 school year," pagbabahagi ng guro.

Inilatag ng guro ang dahilan kung bakit niya ginagawa ang libreng pakain sa kaniyang pupils. Aniya, napansin daw niyang wala nang lumiliban sa kaniyang advisory class dahil isa sa nilo-look forward nila ay ang libreng pagkaing matatanggap nila, bukod pa sa mga bagay na matututunan nila sa pagpasok sa paaralan.

"To motivate them na pumasok araw. Reduce absenteeism, avoid child labor and of course to increase their academic performance thru this project," pahayag ni Ronnie.

Magkano naman ang kabuuang gastos ng guro sa kaniyang feeding program?

"All in all I spend ₱4k po per meal. 40 pupils. 100 pesos per head. and ₱1k sa operational like transpo/gas/ manpower. A total of ₱5k per day," anang Sir Ronnie.

Bukod sa pagkain, namimigay rin ang guro ng libreng school uniform sa kaniyang pupil upang magkaroon daw ng confidence sa pagpasok araw-araw.

Nagbigay naman ng mensahe si Sir Ronnie para sa kaniyang mga kapwa guro, lalo na't ipinagdiriwang na ang National Teachers' Month.

"My only message to fellow teachers like me. Please come to think of new ideas on how you will motivate your pupil to be in your class. Be their inspiration. Be the part of their solution. We never know how miserable their life maybe, wag na nating dagdagan. I motivate and iinspire natin sila instead."

Para sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong at suportahan ang feeding program ni Sir Ronnie, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniyang Facebook account.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!