Bukod sa yumaong si Da King Fernando Poe, Jr., isiniwalat ng dating sexy actress na si Janice Jurado na may naging ugnayan siya sa isang dating pangulo ng Pilipinas na pumanaw na rin.

Ito ay walang iba kundi si FVR o si dating pangulong Fidel V. Ramos na yumao na rin noong Hulyo 31, 2022 sa edad na 94, dahil sa mga komplikasyong dulot ng Covid-19.

Natanong kasi ni Julius Babao sa kaniyang vlog na "Unplugged" kung saan kinapanayam niya si Janice, kung may nakarelasyon ba siyang negosyante o politiko.

"Politiko, meron..." ani Janice. "Patay na."

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"Kilala?" tanong ni Julius.

"Oo, presidente eh. Dating presidente."

Unang tinanong ni Julius kung ito ba ay si dating Pangulong Joseph Estrada o si "Erap." Tumanggi si Janice.

Dito na lumutang ang pangalan ni FVR. Natawa naman si Janice nang madale ni Julius ang tamang sagot.

"Bahala ka diyan... [Baka] bumangon..." hirit ni Janice.

Hindi direktang inamin ni Janice na nagka-affair sila ni FVR subalit kuwento niya, madalas daw siyang sinusundo nito noon kasama pa ng ibang artista upang gawing "display."

"Alam mo 'yon, para kang display... 'Tawagan mo si Jurado...' kasama ko limang artista rin saka mga general, 'Pasuot mo ito sa kaniya tapos papuntahin mo sa Manila Peninsula.'"

Wala raw puwedeng ibang maka-date si Janice kundi si FVR lang. Hindi rin daw umabot sa puntong dinala siya sa isang kuwarto ng dating pangulo.

"Drug user ako pero hindi ako pokpok," giit ni Janice.

Sundot pang tanong ni Julius, paano raw nasabi ni Janice na nagkaroon sila ng relasyon ni FVR gayong wala naman daw nangyari sa kanila?

"Lahat ng mga parties, pagandahan ng girlfriend. Iyon lang ang part ko ro'n," paglilinaw ni Jurado.

Sinadya raw ni Janice na makipaglapit kay FVR dahil kung halimbawang may mangyari sa kaniya o sa mga kaanak niya, may mataas na tao siyang malalapitan.

Pero paglilinaw ni Janice, hindi pa pangulo si FVR nang mangyari ito kundi Chief of Staff pa lamang.

Nang maging pangulo raw si FVR ay nagkikita pa rin sila nito. Nakarating daw sa kaalaman ng misis ni FVR na si Amelita "Ming" Jara Martinez-Ramos ang tungkol sa kanila. Sa halip daw na magalit sa kaniya ay inimbitahan pa siya sa isang dinner.

Alam daw kasi ni "Ming" na walang mangyayari sa kanilang dalawa ng kaniyang mister. Isa pa, hindi raw si Janice ang tipo ng babaeng nanunugod ng misis.

"Tanggap niya. Mabait si Madam," aniya.

"Ngayon ko lang narinig itong kuwento na 'to ah," ani Julius.

Bukod kay FVR, inamin din ni Janice na sa bawat bayan na kaniyang napupuntahan, nakakarelasyon niya ang mga mayor doon. Binanggit niya ang "Cagayan De Oro" at "Occidental Mindoro."

Giit pa ni Janice, hindi siya na-in love kay FVR.

Sundot pa ni Janice, muntik na raw silang magkarelasyon ni Senador Lito Lapid noon, subalit hindi siya nakahuma dahil may nauna na.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni FVR hinggil sa mga pasabog na isiniwalat ni Janice.