Patuloy ang gurong si Melanie Figueroa, nagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan sa Hinaplanon National High School na matatagpuan sa Iligan City, Lanao Del Norte, sa kaniyang malasakit at kawanggawa sa kaniyang mga deserving na mag-aaral sa pamamagitan ng paggawa ng mga paraan upang sila ay matulungang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa kanilang pag-aaral.

Nauna nang naitampok sa Balita si Ma'am Melanie sa kaniyang "Laptop para sa Pangarap," pagtupad sa Christmas wish ng mga piling mag-aaral, at pagtulong sa isang mag-aaral na naulila sa kanilang ina matapos magsilang.

Ngayon namang isang araw na lamang at pasukan na naman sa mga pampublikong paaralan, aktibo ulit si Ma'am Melanie para sa kaniyang proyektong "Adopt-a-Student: Kaagapay sa Pangarap."

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Ma'am Melanie, sinabi niyang nagsimula na siyang mamigay ng learning kits at school uniforms sa mga piling mag-aaral, kaugnay ng kaniyang proyekto. Bago pa man daw ang "Laptop para sa Pangarap" ay nauna na niyang ginagawa ang nabanggit na proyekto, subalit nahinto lamang ito noong kasagsagan ng pandemya.

Guro, nagpapatulong para sa estudyanteng naulila sa ina matapos magsilang ng kambal

"By the way namigay na po ako ng mga learning kits at uniform sa mga recipient po ng Adopt-a-Student," ani Ma'am Melanie.

"Ito po actually ang pinaka-una kong project... Adopt A Student po ang tawag ko but this time iniisip ko palitan, nag-start ito noong 2011 pa."

"Intended ito sa mga students na walang-wala talaga kahit uniform or isang notebook. Hinahanapan ko sila ng benefactors, kumbaga ima-match ko sila."

"Ang lahat ng needs ng bata from uniform, school supplies, at 'yong bayarin sa school like mga PTA fees, ID, insurance, kahit nga shoes, bags and even daily allowance ng bata, pang-lunch at iba pa. Nakadepende sa benefactor kung magbibigay pa siya after ma-meet ang needs ng bata."

"Taon-taon umaabot ako ng mga 50 to 55 kids. Nahinto lang ito noong pandemic time kaya lumabas 'yong Laptop para sa Pangarap, 'yon ang naisip kong pamalit."

"Mga friends ko sa Facebook, mga ka-batch sa high school, relatives at mga bagong nami-meet ko everytime viral po 'yong post or na-iinvite po ako sa mga TV or online na mga palabas ang benefactors na nahahanap ko," dagdag pa ni Ma'am Melanie.

Kaya naman daw, sana raw ay mas dumami pa ang maging benefactors ng kaniyang proyekto sa darating na pasukan.

Sa mga nais maging benefactor o magpaabot ng tulong kay Ma'am Melanie, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniyang social media account.

https://balita.net.ph/2021/09/19/ang-laptop-para-sa-pangarap-ni-maam-melanie-figueroa-ng-iligan/