![Ilang lugar sa Cagayan, lubog sa baha dahil sa Super Typhoon Goring](https://cdn.balita.net.ph/wp-content/uploads/2023/08/Screenshot-2023-08-27-140629.png)
(Cagayan Provincial Information Office/FB)
Ilang lugar sa Cagayan, lubog sa baha dahil sa Super Typhoon Goring
Lumubog sa tubig-baha ang ilang bayan sa Cagayan dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Goring.
Sa paunang report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kabilang sa mga apektado ng pagbaha ang Gonzaga, Lal-lo, Sta. Ana, Gattaran, Baggao, Sta. Teresita, Sto Niño, Solana, at Aparri.
Nasa 1,473 residente ang apektado ng pagbaha. Gayunman, inaasahan ng PDRRMO na madadagdagan pa ang bilang ng mga ito dahil sa patuloy na pananalasa ng bagyo.
Karamihan sa mga ito ay inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center.
Binanggit din naman sa report ng Cagayan Provincial Information Office na nakaranas din ng power interruption ang malaking bahagi ng lalawigan dulot ng bagyo.