Nababahala si Senador Win Gatchalian sa mababang immunization rate ng mga bata. Kaugnay nito, isinusulong ng senador ang pagtatag sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines upang magkaroon ng sapat na suplay ng mga bakuna sa bansa.
Sa isang pahayag nitong Sabado, Agosto 26, bumaba sa isang milyon ang bilang ng mga batang hindi nabakunahan noong 2021 sa 637,000 na ipinanganak noong 2022. Ayon umano sa United Nations Children's Fund (UNICEF) at World Health Organization (WHO), marami pang kailangang gawin upang maabot ang 95% coverage.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), 59.9% lamang ng mga batang maaaring makatanggap ng mga bakuna ang maituturing na bakunado.
Binanggit ni Gatchalian ang isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2022 na hindi lamang tiwala sa mga bakuna ang dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga batang bakunado. Lumabas sa naturang pag-aaral na isyu rin ang suplay, pati na rin ang pamunuan, pagpaplano, at mga problema sa supply chain kaya paulit-ulit na nauubusan ng bakuna ang bansa nitong nakaraan
Sa ilalim ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act of 2022 o Senate Bill No. 941, isinusulong ng senador ang mga inisyatibo upang patatagin ang lokal na produksyon ng mga bakuna, pati na rin ang technology transfer.
Layon umano ng naturang panukala na magtatag ng VIP na magsisilbing premier research and development institute sa larangan ng virology. Magiging saklaw ng VIP ang lahat ng larangang may kinalaman sa viruses at viral diseases sa mga halaman, hayop, at mga tao.
"Kasabay ng paghhikayat natin sa ating mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, mahalagang matiyak din na may sapat tayong suplay ng bakuna at may kakayahan tayong magsagawa ng pananaliksik at mga pag-aaral. Patuloy nating isinusulong ang pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines upang matugunan ang mga pangangailangang ito ng ating mga kababayan," ani Gatchalian.