“Ang ganda ng pagkakakilala niya sa pamilyang ito.”
Hindi na napigilan ni Unkabogable star Vice Ganda ang pagbuhos ng kaniyang mga luha dahil sa isang touching moment kasama ang Mini Miss U contestant na tagahanga umano ng “It’s Showtime.”
Sa episode ng Mini Miss U nitong Biyernes, Agosto 18, bumigkas ng tula si Mini Miss U Euri Eleandre Villena, 6-taong-gulang, mula sa Tondo, Manila, tungkol sa kung paano raw naghahatid ng kasiyahan ang hosts ng noontime show sa madlang people.
"Ang ganda ng pagkakakilala niya sa pamilyang ito, walang bahid. Ang ganda. Maraming maraming salamat sa iyo," saad ni Vice.
"Thank you, Euri. I love you, we love you. Lagi mong iisipin 'yan ha. kahit saan ka makapunta, maraming nagmamahal sa iyo. May mga pagkakataon minsan malulungkot ka. Kaya ka nalulungkot kasi nakakalimutan mo na, 'Ay may nagmamahal pala sa akin.' Kaya kailangan lagi mong maaalala na may mga nagmamahal sa iyo, mga magulang mo at kami," mensahe pa niya kay Euri.
Doon na niyakap ng Unkabogable star ang bata at tuluyan nang naging emosyonal.
“I love you too, Meme. Palagi kitang iisipin,” ani Euri.
“‘Pag nalulungkot ako, iisipin ko lagi, mahal mo ako,” saad naman ni Vice.
“I’m sorry minsan ‘pag wala ako kasi minsan nalulungkot ako… Minsan nalulungkot ako kasi natatakot akong baka hindi ko na kayo makasama. Kaya ngayon na may pagkakataon ako na makakasama ko kayo, gusto ko lang maging masaya.”
Maging ang co-hosts ni Vice na sina Vhong Navarro, Kim Chiu, at iba pa ay naiyak na rin sa naturang emosyonal na tagpo.
“Araw-araw kong papanoorin ‘yung video ko para lagi kong maaalala si Meme,” umiiyak na winika ni Euri, at doon ay niyakap na rin siya ng buong It’s Showtime hosts na nasa studio.
"I just thank God that every day He's been sending a lot of angels to come my way and to remind me how much this program and all of us are loved by so many people, especially these wonderful kids. Thank you, Lord,” saad pa ni Vice.