Pumanaw na umano ang legendary American singer na si Tony Bennett nitong Biyernes, Hulyo 21, sa edad na 96.
Kinumpirma ito ng publicist ni Bennett na si Sylvia Weiner.
Nakilala ang classic American crooner sa kaniyang signature songs tulad na lamang ng "I Left My Heart in San Francisco,” "My Foolish Heart,” "Stranger in Paradise,” at "Rags to Riches.”
Sa ulat ng Agence France-Presse, nakatanggap si Bennett ng 19 Grammy Awards sa gitna ng kaniyang singing career.
Hinirang din umano siya noong 2014, sa edad na 88, bilang pinakamatandang nanguna sa US album sales chart sa pamamagitan ng collection of duets kasama si Lady Gaga.
Taong 2019 nang ibinunyag daw ng legendary singer na na-diagnose siya ng Alzheimer's disease, bagay na inilihim niya sa loob ng ilang taon.
Sa kaniyang ika-95 taon, nagtanghal pa umano si Bennett sa dalawang birthday concerts kasama rin si Lady Gaga.
Pagkatapos nito ay kinansela na ng classic American crooner ang natitira niyang 2021 tour dates sa utos ng mga doktor, ayon sa ulat ng AFP.
"And let the music play as long as there's a song to sing / And I will stay younger than spring," pag-awit pa umano ni Bennett sa isang rendition ng kaniyang ballad na "This Is All I Ask” sa gitna ng isa sa kaniyang farewell shows.