Paubos na ang pondo ng Albay provincial government para sa libu-libong inilikas na residente na apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Paliwanag ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Cedric Daep, hindi na sapat ang natitirang pondong mula sa ₱30 milyong quick response fund (QRF) na aabot na lamang sa ₱4.18 milyon, para sa mga evacuees sakaling umabot pa ng tatlong buwan o higit pa ang pananatili nila sa mga evacuation center.

Dahil dito, posibleng magdeklara ng financial depletion ang pamahalaang panlalawigan kasabay paghingi nito ng tulong sa national government.

Sa pinakahuling ulat ng APSEMO, nasa 20,128 na indibidwal o katumbas ng 5,765 na pamilya ang nananatili pa rin sa 34 evacuation center na nasa labas ng 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) ng bulkan.

"So far, meron pa tayong resources, pero just in case na mag-elevate ang Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) to level 4 or 5, we will declare financial depletion dahil baka hindi na makaya 'pag dumami ang ating population to be evacuated," ani Daep.

Kaugnay nito, pinaghahanda naman ngayon ng pamahalaan ang 12 na clusters na binuo nito sa para sa pangangailangan ng mga ito sa pamamagitan ng mga proposal para sa posibleng donors forum kung tumagal pa ang abnormalidad ng bulkan.

Iginiit ni Daep, kailangan na itong maihanda kung saan dapat na maipresenta ng bawat lead agency o department ang bawat detalye ng kinakailangang suporta para sa pagpapatupad ng kanilang mga response activities sakaling magsumite ang lalawigan ng augmentation request.