Pormal nang sinimulan nitong Lunes, Mayo 15, ang mandatory na pagsusuot ng face mask ng lahat ng empleyado at opisyal sa Manila City Hall, gayundin ng mga publikong may transaksiyon doon.

Ang mahigpit na kautusan ay ginawa ni Manila Mayor Honey Lacuna, kasunod na rin nang patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng Covid-19 sa lungsod nitong nakalipas na mga linggo.

Kasabay nito, inatasan na rin ng alkalde si City Administrator Bernie Ang na maglabas ng direktiba para sa lahat ng tanggapan at bisita sa Manila City Hall na obligadong magsuot ng face masks.

Nabatid na bukod sa city hall, sakop rin ng kautusan ang mga satellite offices, o yaong tanggapan na pinatatakbo ng lungsod ngunit matatagpuan sa labas ng city hall.

Metro

₱45 per kilong bigas, mabibili na sa NCR simula Nobyembre 11

“Patuloy ang pagtaas ng COVID dito sa ating lungsod kaya po simula sa araw na ito (Lunes) ay mahigpit po nating ipatutupad ang pagsuot ng face mask sa loob ng inyong mga tanggapan at sa lahat po ng dadayo sa Manila City Hall," ayon kay Lacuna.

"Inuulit ko po, sa atin lang pamahalaang-lungsod ng Maynila sa lahat po ng inyong tanggapan at sa lahat po ng pumupunta sa inyo pong mga tanggapan... baka me magkamali na naman po ha, sa atin lang po 'yan," paglilinaw pa ni Lacuna, na ang ibig sabihin ay para sa city hall lamang ang mandatory use ng face mask, at hindi sa buong Maynila, tulad ng fake news na pinapakalat ng isang kampong pulitikal.

Dagdag pa ng alkalde na: "Tayo man lang ay makatulong na di na tumaas ang bilang ngmga kaso ng COVID ating lungsod."

Samantala, nabatid na inatasan rin ni Lacuna ang lahat ng tanggapan sa lungsod na ihanda na ang kani-kaniyang payrolls.

Kasabay ito ng pag-anunsyo na maaari nang makuha ng mga empleyado ang kanilang mid-year bonus.

Pinaalalahanan rin niya ang mga empleyado na sinupin ang perang kanilang matatanggap dahil mahirap ang buhay sa ngayon.

"May maiuuwi na naman po kayo sa inyong mga pamilya. Paka-ingatan po ninyo ito... hinay-hinay ang paggastos dahil alam naman po n'yo, medyo may kahirapan pa rin po ang ating pamumuhay.Pero dahil kahit papano dahil sa tulong ninyong lahat, gumaan-gaan naman ito para lahat sa atin," sabi ng alkalde.