Patay ang isang mag-asawang senior citizen at kanilang apo nang makulong sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Reinero Basco, 79; kanyang asawang si Alegria, 78, at kanilang apo na si Hephaestro Clark Basco, 20, pawang residente ng No. 17 Banahaw St., Amityville, Barangay San Jose, sa Rodriguez.

Batay sa ulat ni FO2 Vic Anthony Perez, ng Rodriguez Bureau of Fire Protection (BFP), naganap ang sunog sa bahay ng mga biktima dakong alas-2:30 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga biktima.

Mabilis umanong kumalat ang apoy sa kabahayan kaya’t hindi na nagawa pa ng mga biktima na makalabas ng kanilang tahanan.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Tumagal lamang ng 35 minuto ang apoy na naapula ng mga pamatay-sunog dakong alas-3:05 ng madaling araw.

Sa isinagawang mapping operation ay saka lamang nadiskubre ng mga bumbero ang mga bangkay ng mga biktima.

Ayon sa mga imbestigador, wala namang ibang bahay na nadamay sa naganap na sunog.

Posible rin anilang faulty electrical wiring ang pinagmulan ng apoy.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP hinggil sa insidente.