Isang benepisyaryo ng Pantawid sa Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kasama sa dalawang topnotchers sa April 2023 Civil Engineers Licensure Examination.
Nagtapos umano bilang cum laude si ang 4Ps beneficiary na si Alexis Castillo Alegado, 22, sa Mariano Marcos State University Batac, Ilocos Norte.
Sa inilabas na resulta ng Professional Regulation Commission (PRC) nitong Sabado, Abril 29, isa si Alegado sa dalawang nanguna sa naturang licensure exam kasama si Garret Wilkenson Ching Sia mula sa De La Salle University-Manila matapos silang makakuha ng 92.10% score.
BASAHIN: 34.76% examinees, pasado sa April 2023 Civil Engineers Licensure Exam — PRC
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez, ang naging tagumpay ni Alegado ay isang konkretong indikasyon na ang 4Ps ng DSWD ay isang mahalagang kasangkapan sa epektibong pamumuhunan sa “human capital”.
"Patunay po ang tagumpay ni Engr. Alexis Alegado na ang ating 4Ps ay napakahalaga sa bawat pamilyang Pilipino para mapagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak na siyang makakatulong para sa pag-angat mula sa kahirapan," ani Lopez.
Sa ulat ng DSWD Field Office 1, naging benepisyaryo rin si Alegado ng Expanded Student's Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA), na awtomatikong naging kwalipikado para sa Tertiary Education Subsidy (TES) sa ilalim ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ang mga benepisyaryo umano sa ilalim ng ESGP-PA ay mahihirap ngunit karapat-dapat na mga mag-aaral na kabilang sa mga pamilyang nakalista sa 4Ps program ng DSWD.
Maaari silang mag-enrol sa mga piling State Universities and Colleges (SUCs) na kumukuha ng mga priority program ng Commission on Higher Education (CHED) at iba pang kursong handog sa loob ng ang mga pangunahing lugar ng paglago ng pamahalaan.
Ayon din sa ahensya, isa ang TES sa apat na programa sa ilalim ng RA 10931 na magbibigay ng pondo para sa mga kuwalipikadong estudyanteng Pilipino mula sa pinakamahihirap na sambahayan na naka-enrol sa pampubliko at pribadong Higher Educational Institutions (HEIs).
Binibigyan din umano mga benepisyaro ng ESGP-PA ng allowance para sa mga libro, supply, transportasyon, at iba't ibang personal na gastos; “reasonable allowance” para sa dokumentadong pagrenta o pagbili ng personal na computer o laptop at iba pang education-related expenses; allowance para sa mga gastos sa matutuluyan boarding house ng mag-aaral; karagdagang subsidy ng mga Persons with Disabilities (PWDs) o isang beses na gastos ng unang licensure examination para sa mga nagtapos ng Board course o program.