Marami na ang nasasabik sa nagbabalik na barangay hall on-air sa telebisyon, ang "Face 2 Face," na mapapanood na sa Mayo 1 sa TV5.

Dahil kumbaga ay "season 2" na ito makalipas ang halos siyam na taon, bago na rin ang host at mediator nito. Si Mama Karla Estrada na ang host at si Alex Calleja na ang mediator, na dating ginagawa ni Hans Mortel na sumakabilang-buhay na.

Mula naman sa original "Trio Tagapayo," si Dra. Camille Garcia lamang ang natira. Sasamahan siya nina Bro. Jun Banaag alyas "Dr. Love" at Atty. Lorna Kapunan.

Anyway, siyempre maraming nag-react nang malamang hindi na si Tyang Amy Perez ang magiging host nito, na siyang original talaga. Pumasok naman sa eksena si Ateng Gelli De Belen matapos mag-maternity leave ni Tyang Amy, at in fairness naman, nagustuhan din ng mga "kasawsawan" ang performance ni Ateng!

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Kaya naman, sa BaliTaktakan segment ay inalam ng Balita ang pulso ng bayan: sino nga ba sa tatlo ang pinaka-bet nilang maging host ng Face 2 Face.

Heart reaction para kay Tyang Amy, like naman kay Ateng Gelli, at hug naman kay Mama Karla.

Batay sa reactions at komento, pinaka-bet pa rin ng taumbayan si Tyang Amy matapos makakuha ng 635 heart reactions.

Pumapangalawa naman si Ateng Gelli na nakalikom ng 252 likes.

130 naman ang hug reactions para kay Mama Karla, na nagsasabing bigyan siya ng tsansa.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens sa comment section ng BaliTaktakan.

"Mas bagay pa rin kay Miss Amy Perez, nakakatuwa dati 'yan panoorin intro pa lang salpukan na."

"Tyang Amy 'd original!"

"The original host Tyang Amy Perez is the best."

"Kung hindi puwede si Tyang, Ateng Gelli na lang!"

"Amy is the best and Gelli is the second best."

"Magaling din si Ateng Gelli!"

"Subukan muna natin yung isa, kasi hindi pa nakapag-host sa F2F di gaya ng dalawa. Go for Mama Karla."

"Give her a chance. Go ako kay Momshie Karla, para bago naman."

"Hindi ipagkakatiwala kay Karla ang show kung hindi niya kaya. Go Mama Karla!"

Samantala, pinuri ni Dra. Camille Garcia si Mama Karla matapos ang kanilang taping ng mga unang episodes dahil ngayon lamang daw siya nakakita ng host na talagang umaawat.

"First time - nakita ko lahat ng hosts eh - and one thing nakita ko last time nag-taping kami was the fact that Mama Karla was one of the bravest mothers na nakita ko kasi siya lang yung nakita kong umawat."

"Hindi pa ako nakakita ng umaawat na host. And I'm so happy na parang nagulat ako umawat talaga siya. Naroon ang tapang talaga. So 'yon, nakita ko na talagang iba yung host namin. Siguradong talagang ma-eenjoy namin," anang Dra. Garcia.

Well, sabi nga, let us give Mama Karla a chance na ipakita ang kaniyang husay bago husgahan. Kahit si Tyang Amy ay nagbigay rin ng advice sa kaniya, na simulan niya ang show na alisin niya sa eksena ang mga ginawa noon at angkining parang bagong-bago ito para sa kaniya.