Kaabang-abang ang magiging papel ng beteranang aktres na si Lorna Tolentino sa hit ABS-CBN teleseryeng “FPJ’s Batang Quiapo.”

Sa patikim ng episode na eere mamayang gabi, Abril 20, makikita si LT na tila kinatatakutan ng karakter ng isa pang beteranang aktres na si Irma Adlawan.

Gaganap si Lorna bilang Amanda, na isang lider ng grupong hindi pa malinaw kung magiging kakampi o kalaban ni Tanggol, na siyang ginagampanan naman ng bida at direktor ng nasabing teleserye na si Coco Martin.

“Mahirap banggain ang grupo ni Amanda, hindi sila basta-basta,” sey ni Olga na karakter ni Irma.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

“Kung kinilala mo kung kaninong teritoryo 'to, eh 'di sana buhay ka pa,” talak naman ni Amanda sa teaser para sa kaniyang pagganap.

Sa isang panayam, masaya naman si Lorna na parte na siya ng “Batang Quiapo.” Matatandaang parte rin siya nang naunang adaptation ng ABS-CBN na “FPJ's Ang Probinsyano,” na isa ring klasiko ni Fernando Poe Jr.

Mapapanood ang "FPJ's Batang Quiapo" sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo, A2Z, TV5, iWantTFC, at TFC mula Lunes hanggang Biyernes, tuwing alas-otso ng gabi.