Matapos ang ilang beses na pagsali, masayang-masaya ang writer-engineer na si Christopher S. Rosales, 30-anyos, matapos mapili ang kaniyang akda sa 36th Romeo Forbes Children's Story Writing Competition ng Center for Art, New Ventures, and Sustainable Development o CANVAS.

Ang winning entry niyang "Ang Nawawalang Araw" ay magiging kuwento sa likod ng obra maestra ng artist na si John Marin. Sa 90 entries, ang isinulat na kuwentong pambata ng licensed electronics and communications engineer ang nanaig. Nagsilbi namang finalist ang lahok ng manunulat na si Edelio P. De los Santos para sa kaniyang "Lilia's First Lala."

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Ayon sa panayam ng Balita kay Rosales, siya ay nagtapos sa Technological University of the Philippines-Manila, at nasa kolehiyo pa lamang siya, talagang sumasali na siya sa naturang kompetisyon. Kaya naman, maituturing na "dream come true" na matapos ang ilang taong pagtatangka, heto't nasungkit na niya ang panalo.

Kasalukuyang naninirahan sa Parañaque City si Rosales at nagtatrabaho bilang network engineer sa isang telecommunication company sa Makati, ngunit patuloy na sinisikap na magsulat sa libreng oras.

"Matagal na akong tagasubaybay ng mga aklat na inilalathala ng CANVAS, at isa sa mga paborito kong aklat nila ay ang 'I am the Change in Climate Change.' Nakabibilib na nagawa nilang talakayin ang isang mabigat, malawak, at seryosong paksa sa nakawiwili at malikhaing paraan," aniya.

Bilang isang engineer at naniniwala sa kakayahan ng renewable energy, ito raw ang naging inspirasyon niya upang umikot sa ganitong tema ang kaniyang akda. Tungkol ito sa pagkawala ng araw at nagkagulo ang taumbayan sa paghahanap at pagpapabalik dito, hanggang sa natuklasan nila kung saan talaga napunta ang tila dambuhalang bolang nagbibigay-liwanag sa sanlibutan.

"Inspirasyon ang aklat na iyon upang maisulat ko ang kuwentong ito na siyang maaaring gawing lunsaran upang pag-usapan ang patuloy-sa-paglalang climate change. Sa kuwentong ito ay inilahad ang kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran at ang paggamit ng renewable energy."

"Gayundin, ipinamalas dito ang gampanin ng mga artista tulad ng mga makata, mananayaw, at mang-aawit sa pagkalampag sa mga kinauukulan upang maitama ang umiiral na mali," dagdag pa niya.

Ilang araw ang ginugol niya sa pag-iisip ng kuwento at pagsusulat nito?

"Ang mismong pagsusulat ay nasa isang araw lang marahil. Ngunit ang pag-iisip ng buong kuwento ay umabot siguro ng dalawang linggo dahil matagal ko ring pinag-isipan kung paano wawakasan ang kuwento."

"Isang karangalan ang manalo sa contest ng CANVAS dahil kaisa ako sa layunin nila na maging higit na accessible ang mga aklat-pambata lalo na sa mga kapos-palad. Bilib na bilib ako sa inisyatibo ng CANVAS na mamigay ng libreng aklat-pambata sa lahat ng sulok ng Pilipinas, lalo na sa mga liblib na baryo at pamayanan," pasasalamat ni Rosales sa CANVAS.

Kaya naman, nag-iwan siya ng mensahe sa mga gaya niyang manunulat na patuloy na sumasali sa mga timpalak-pagsulat gaya ng Romeo Forbes.

"Ang maipapayo ko sa lahat: patuloy na magsulat ng malilikhaing akda may contest man o wala, manalo man o hindi. Napakahalaga ng tungkulin ng manunulat lalo na sa panahon ngayong na talamak ang napakabibigat na isyu't suliranin, hindi lang sa buong bansa kundi maging sa buong daigdig."

"Mahalagang gamitin ang sariling panulat upang makapagmulat tungo sa magandang kinabukasan para sa mga bata," aniya.

Bukod sapanalong ito, hindi rin talaga matatawaran ang husay sa pagsulat ni Rosales dahil nakakuha na siya ng parangal mula sa prestihiyosong Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Gawad: Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa pagsulat ng tula, at pagkakapili sa kaniyang aklat-pambata bilang "Kid's Choice" sa National Children’s Book Awards.

Maiuuwi ni Rosales ang ₱45,000 bilang cash prize sa kaniyang pagwawagi, bukod sa maipalilimbag pa ang kaniyang akda bilang isang aklat-pambata.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!