Inihain ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang House Bill No.7757 o ang "Community Paluwagan Microfinance Act" na naglalayong iwasan umano ang hindi magandang sistema sa paluwagan kung saan hindi na nakakukuha ng kumpletong sahod ang huling miyembro nito.

Nagsilbing co-author ni Marcoleta sa nasabing panukala si Manila Teachers party-list Rep. Virgilio Lacson.

Nakasaad sa explanatory note ng House Bill No.7757 ang konsepto ng paluwagan kung saan nagbibigay ng eksaktong halaga ang bawat miyembro nito. Sasahurin naman ng bawat miyembro ang pinagkasunduang halaga sa pinagkasunduan ding mga petsa.

Kadalasan naman umanong pinagbubunutan ang pagkakasunud-sunod ng mga miyembro na sasahod sa kanilang paluwagan. Magpapatuloy ang hulugan hanggang sa nakasahod na ang lahat.

National

‘Big Boss’ ng POGO sa Bamban at Porac, arestado na

"Although paluwagan has been in existence since time immemorial, the practice remains informal and unregulated. Anyone can form a group through verbal agreements. It is not regulated by any governmental body," saad ng panukala.

“Department of Trade and industry (DTI) once tagged the paluwagan system as a form of pyramid scheme, because of the fact that the first person to receive the pot is actually the one who will get the most benefit from the system. The last persons to receive the pooled funds have the highest risk in case other participants fail to pay and the system collapses,” dagdag nito.

Sa ilalim ng panukalang batas, bubuuin ang ahensya na tatawaging “Paluwagan Microfinance Administration” upang maiwasan umano ang posibleng mangyaring lokohan sa pagitan ng mga miyembro.

Magtatakda ang ahensya ng mga tuntunin at regulasyon para sa paglikha at pagpaparehistro ng paluwagan.

Dapat namang magparehistro ang pito o higit pang indibidwal na may tirahan o trabaho sa isang komunidad at nagnanais na bumuo ng isang community paluwagan.

Nakasaad din sa panukalang batas ang paglikha ng “Paluwagan Insurance Fund” na layong magprotekta sa mga miyembro ng paluwagan sakaling matigil ito.

Pending ang naturang panukala sa House Committee on Micro, Small, and Medium Enterprise Development.