Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may naitala na silang mga kaso ng Omicron subvariant na XBB.1.9.1 sa bansa.

Base sa latest Covid-19 biosurveillance report ng ahensiya na inilabas nitong Huwebes, nabatid na ang bansa ay nakapagtala na ng 54 kaso ng XBB.1.9.1, na isang XBB sublineage na kamakailan lamang ay nadagdag sa listahan ng mga ‘variants under monitoring’ ng World Health Organization (WHO).

Nasa 39 kaso nito ang natukoy mula sa samples na isinailalim sa sequencing ng University of the Philippines - Philippine Genome Center mula Abril 3 hanggang 11.

Hindi pa naman nagbigay ng impormasyon ang DOH hinggil sa 15 iba pang kaso nito.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Batay sa ulat ng DOH, ang variant ay natukoy na sa may 63 bansa o hurisdiksiyon sa anim na kontinente, ayon sa sequence submissions sa GISAID.

Gayunman, sinabi pa ng DOH na ang mga kasalukuyang available na ebidensiya para sa XBB.1.9.1 ay hindi naman nagpapakita na may kaibahan ito sa disease severity at clinical manifestations, kumpara sa orihinal na Omicron variant.

Nakasaad rin naman sa ulat na may 150 bagong kaso pa ng Omicron Covid-19 subvariants ang natukoy sa bansa.

Sa mga samples na na-sequenced ng DOH ngayong buwan, 75 ang klasipikado bilang XBB, kabilang ang 30 XBB.1.5 cases; 70 ang BA.2.3.20; dalawa ang XBC cases, at tig-isa ang mga kaso ng CH.1.1, BQ.1, at BA.2.

Sa mga natukoy naman na XBB cases, walo ang returning overseas Filipinos (ROFs) habang 67 ang local cases mula sa Regions 1, 3, 4A, 6, 7, 8, 11, 12, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR).

Samantala, sa mga kaso naman ng BA.2.3.20 na natukoy, isa ang klasipikado bilang ROF habang ang natitira pang mga kaso ay pawang local cases mula sa Regions 2, 3, 4A, 7, at 11.

Ang mga bagong kaso naman ng BQ.1 at XBC ay mula sa Region 11 habang ang kaso ng CH.1.1 ay mula sa Region 4B.