Tinatayang aabot sa pitong katao ang nasawi habang nasa 150 pamilya naman ang naapektuhan ng dalawang sunog na magkasunod na sumiklab sa Taytay, Rizal nitong Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na unang sumiklab ang sunog sa Rosario St. sa Barangay San Juan, Taytay, dakong alas-9:47 ng gabi nitong Sabado.

Umabot ito sa ikatlong alarma bago tuluyang naideklarang fireout dakong alas-11:05 ng gabi.

Ayon sa Taytay Acting Fire Marshal, F/Insp. Gary Raymon Cantillon, pitong katao ang nasawi sa sunog habang isa ang nasugatan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hindi naman agad nakuha ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima, na sinasabing kinabibilangan ng isang dalawang taong gulang na sanggol at isang senior citizen na nasa 60-taong gulang naman.

Tinangka pa umano ng mga biktima na makalabas ng kanilang nasusunog na tahanan ngunit hindi nila nagawa dahil ang kanilang tahanan ay nasa dulo ng kalsada.

Natagpuan umano ang bangkay ng mga biktima sa kusina at banyo ng tahanan.

Sinasabing isang electric fan na nag-overheat na ang posibleng sanhi ng sunog ngunit masusi pa itong iniimbestigahan sa ngayon.

Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot sa 60 pamilya ang naapektuhan ng sunog na tumupok sa 40 bahay habang tinatayang nasa P1.5 milyon naman ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.

Samantala, makalipas naman ang dalawang oras, isang sunog pa ang sumiklab sa Barangay Dolores, Taytay, dakong ala-1:37 ng madaling araw ngayong Linggo ng Pagkabuhay.

Umabot ng dalawang oras ang sunog na mabilis umanong kumalat sa mga tahanang pawang gawa lamang sa light materials.

Wala mang nasaktan o nasawi sa sunog na ito ngunit tinatayang nasa 90 pamilya ang naapektuhan.

Tinatayang aabot sa P1 milyon din ang halaga ng mga bahay at ari-arian na tinupok ng apoy.

Masusi pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang pinagmulan ng apoy.