Ang naunang kumalat na tsismis lang na pagbabalik ng "Face 2 Face" na iho-host nina dating "Magandang Buhay" momshie host Karla Estrada at komedyanteng si Alex Calleja ay katotohanan na, matapos itong i-anunsyo ng TV5 sa kanilang opisyal na Facebook page.

Ayon sa kanilang anunsyo, Mayo 1 muling mapapanood ang tinaguriang "barangay hall on TV" na kamakailan lamang ay pinanawagang ibalik sa ere, at magkaroon ng celebrity edition dahil sa dami ng nagbabangayang artista at social media personalities kamakailan.

Tropang LOL, babu na sa ere; Face to Face, babalik at si Karla Estrada ang host?

"Unresolved issues? Sasamahan ka ni Karla Estrada na solusyunan ‘yan! Abangan siya sa pagbabalik ng paborito nating TV5 program na #Face2Face, simula sa MAY 1!," saad sa caption kalakip ang pubmat na si Karla na nga ang magsisilbing bagong host nito.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen, na mababasa sa comment section ng post. May mga nagsabing tama lang na si Karla ang gawing host dahil nga ibang bihis na ito ngayon, at may mga nagsabi namang mas gusto nila ulit sina Tyang Amy Perez o kaya si Ateng Gelli De Belen. Sila kasi ang original hosts nito.

"Sana April Fool's lang. Mas okay pa din kung ibang host. 'Yung malakas manggatong."

"Sino nag-decide na siya magiging host?"

"Tyang Amy pa rin!"

"Puwede naman si Ateng Gelli kung nasa Showtime si Tyang Amy."

"Isang palabas na naman na maghahayag ng problemang pampamilya… para ipangalandakan ang isang bagay/problema na dapat sinosolve lang sa loob ng pamilya… for the views, okay lang i-exploit ang dignidad ng mga tao… haaayyy…"

"Mas bet ko pa rin si Tyang Amy!"

"Sana si Tyang Amy na lang ulit. Iba pa rin ang OG host ng Face to Face. Puwede naman siguro hiramin si Tyang Amy since may partnership naman ang ABS at TV5."

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Karla tungkol dito.