Kumpiyansa si San Juan City Mayor Francis Zamora, na siya ring pangulo ng Metro Manila Council (MMC), na sa katapusan ng Abril ay tuluyan na nilang maipapatupad ang single ticketing system sa National Capital Region (NCR).

Sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, sinabi ni Zamora na ang dry run para sa naturang bagong sistema ay sisimulan nila sa una at ikalawang linggo ng Abril at lalahukan ng walong local government units (LGUs).

Samantala, ang full implementation naman nito ay target aniya nilang maipatupad sa katapusan ng naturang buwan.

“Ang mangyayari ho ngayon by first to second week of April yung eight local government units ang magda-dry run including San Juan. And by the end of April, we are looking to fully implement already,” aniya pa.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Nabatid na ang deadline para sa mga LGUs sa NCR upang amiyendahan ang kanilang mga ordinansa, alinsunod sa naturang single ticketing system, ay hanggang nitong Miyerkules, Marso 15, lamang.

Layunin ng single ticketing system na magtatag ng isang unipormadong polisiya sa mga traffic violations at penalty system sa Metro Manila.

Sakop nito ang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, Makati, Manila, Mandaluyong, San Juan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at bayan ng Pateros.