Bumuwelta ang spokesperson ni Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez na si Atty. Elaine Atienza kaugnay sa inilabas na pahayag ng political content creator at founder ng media channel na Peanut Gallery Media Network na si Franco Mabanta.
Matatandaang pinabulaanan ni Mabanta noong Miyerkules, Mayo 6, 2026, ang dahilan ng naging pagtugis sa kaniya at apat pa niyang kasamahan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa alegasyong mayroon umano silang bantang extortion kay Romualdez.
“There was no extortion. There were ZERO threats from us. That’s all bullshit. The ‘evidence’ provided showed one side of the story. We committed NO CRIME: AND WE CAN PROVE IT,” ani Mabanta.
KAUGNAY NA BALITA: 'We are innocent. This was setup!' Franco Mabanta, nagsalita matapos dakpin ng NBI dahil kay Romualdez
Ayon naman sa inilabas na pahayag ni Atienza sa media nitong Huwebes, Mayo 7, sinabi niyang nililiko nina Mabanta ang naratibo ng isyu.
“PGMN is twisting the narrative,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Ang isyu dito ay hindi tungkol sa malayang pamamahayag. Lalong hindi ito tungkol sa karapatan ng sinuman na punahin ang gobyerno. Ang tunay na tanong: may humingi ba ng pera kapalit ng katahimikan?”
Ani Atienza, ginawa lang daw ng kliyente niyang si Romualdez ang pagrereport sa mga awtoridad bilang pagsunod sa ipinag-uutos ng batas.
“Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez simply did what any person exposed to the same circumstance would do -– he reported the matter to the proper authorities, and the NBI acted on that report pursuant to its mandate under the law,” aniya.
Diin ng abogado, wala raw kinalaman ang anomang mga exposé at materyal na pinanghahawakan nina Mabanta sa alegasyong kinakaharap nila sa pagbabanta ng extortion kay Romualdez.
Pagpapatuloy ni Atienza, dapat daw na matagal nang inilabas nina Mabanta ang sinasabi nilang 90 minutong video na nagpapakita ng mga ebidensya laban kay Romualdez at hindi para gamitin ito sa paghingi ng lagay sa mambabatas.
“If anyone believes he has evidence of wrongdoing by public officials, the proper course is simple: release it, submit it to the authorities, and let the proper institutions act on it - not use it as leverage in exchange for money,” ‘ika niya.
Buwelta niya, hindi raw pamamahayag ang ginagawa ng Peanut Gallery Media Network kundi isang extortion dahil sa intensyong nilang hindi ilabas ang sinasabi nilang 90 minutong video laban kay Romualdez.
“That is what PGMN did: they purportedly produced a video that was allegedly ready to run several weeks ago and yet chose not to release it. That is NOT journalism, that is extortion,” paliwanag niya.
“Ultimately, this case will be decided by facts, evidence, and the rule of law - not by competing narratives on social media,” pagtatapos pa ni Atienza.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng bagong pahayag, tugon, o reaksyon si Mabanta at maging ang Peanut Gallery Media Network kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Franco Mabanta, may 90 minutong video sa umano'y korapsyon ni Romualdez!
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Sino si Franco Mabanta at bakit siya tinugis ng awtoridad?