Umani ng magandang reaksyon mula sa netizens ang pakulo ng content creator na si Jam Vinculado o mas kilala bilang "Mommy Jam," matapos ito mang-sopresa ng mga street vendors, partikular na ng mga matatanda, sa pagbibigay ng rosas kalakip ang cash.
Hindi nakakakilig na quotes kundi kakaibang "pahugot" ang ibigay ni Mommy Jam, kasama ang kaniyang asawa na si "Daddy JP," sa mga piling estranghero na nakatanggap ng kanilang simpleng regalo na kanilang ginawa para sa Araw ng mga Puso.
Umabot na 50 rosas na may lamang P100; P200; P500; at P1000 ang ihinanda ng vlogger. At hinayaan naman niyang kumuha ang kanilang mapipiling tao ng tatlong rosas, na kung anong man halaga na makukuha nila ay mapupunta na sa kanila.
"Alam niyo talagang kitang-kita sa mukha nila ang ngiti kapag nakakakuha sila ng P500 o P1000," ani Mommy Jam.
Samantala, isang senior citizen couple naman ang nag-pray over kay Mommy Jam bilang pasasalamat sa sopresang ibinigay ng mag-asawa.
Ani Mommy Jam, tila itinadhana na magtagpo ang kanilang landas upang tulungan ang senior citizen couple na nagtitinda ng ulam habang tirik na tirik ang araw.
Kaya naman, pinakyaw na rin ng content creator ang tinda mga mag-asawa upang makapag-pahinga na rin ang mga ito.
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na ginawa ito ni Mommy Jam dahil nakaraang taon ay isang pakulo rin ang ginawa nito para sa mga bata, sa pagdiriwang naman ng Linggo ng Pagkabuhay, na kung saan ay naglagay ito ng cash sa mga itlog at ipinamigay sa mga kabataan.