Tila naka-jackpot ang mangingisdang si Jonel Genova, 33, matapos siyang makapana ng halos kasinlaki niyang isda na Giant Trevally sa kanilang lugar sa Calayan Island, Cagayan.
Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Genova na sa 20 taon niyang pangingisda gamit ang kaniyang pana, ang nasabing isda na nahuli niya ang pinakamalaki. Tinatayang 35-kilo daw ang bigat nito.
“Tuwang tuwa po ako kasi may panggastos na po [kami]. Sa ganitong uri ng pangingisda po kasi ako kumikita,” aniya.
Kuwento ni Genova, nangingisda lamang siya noong Enero 17 nang makita niya ang Giant Trevally na noong una ay akala niyang maliit lamang.
“Akala ko maliit lang siya kaya nagpasya ako na panain para may maulam. Pero nung sumisid ako at malapit na sa isda, laking gulat ko at may kalakihan pala,” saad niya. “Total andoon naman na po ako malapit sa isda at alam ko na kaya ng pana ko, pinana ko na po.”
Matagal din daw nakipaghilahan si Genova sa isda paahon sa dagat at pauwi dahil sa angkin daw nitong laki at bigat.
“Laking gulat ko na halos kasinlaki ko pala. Nung maiuwi ko na po at itimbang, doon ko nakitang 35 kg pala,” aniya.
Kinatay raw nina Genova ang nasabing isda para ibenta habang inulam ng kanilang pamilya ang natira rito.
Matatandaang isang dambuhalang blue marlin naman ang nahuli ng isang mangingisda sa probinsya rin ng Cagayan.
Basahin: Mangingisda, naka-jackpot sa nahuling dambuhalang isda sa Cagayan