Nasa isang milyong doses ng donasyong Pfizer bivalent coronavirus disease 2019 (Covid-19) vaccine ang inaasahang darating na sa bansa sa Marso.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang naturang inisyal na donasyon ng bivalent vaccines ay mula sa COVAX facility.
Alinsunod naman sa mga kondisyong itinakda ng COVAX facility, nakatakda ipagkaloob ang mga naturang bakuna sa mga frontliner na kabilang sa A1 category o healthcare workers, gayundin sa vulnerable population, kabilang ang nasa A2 category o mga senior citizen at A3 category o individuals with comorbidities.
“The DOH has already secured an initial donation of around 1 million doses of Bivalent Covid-19 Pfizer vaccines from COVAX facility,” anang DOH, sa isang Viber message sa mga mamamahayag nitong Huwebes.
“It is expected to arrive in the Philippines before the end of March 2023," paglalahad ng ahensya.
Tiniyak naman ng DOH na sa sandaling dumating na ang mga karagdagang doses ng bakuna ay palalawakin pa nila ang pagkakaloob nito sa iba pang priority groups.
Sinabi pa ng DOH na habang hinihintay pa ang pagdating ng mga naturang bivalent vaccine ay isinasapinal na rin nila ang panuntunan sa paggamit nito.
Ang bivalent vaccines ay modified vaccines, na ang target ay ang Omicron variant at ang original form ng virus.