Malaking bahagi ng bansa ang patuloy na uulanin ngayong Martes, Enero 31, dahil sa low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa katimugan ng Palawan bunsod ng LPA. Ito rin ang mararanasan sa Eastern and Central Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Sorsogon, Albay, at Catanduanes dahil naman sa shear line.

Magiging maulap na may kasamang pag-ulan naman sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon, and the rest of MIMAROPA at Bicol Region dulot ng amihan.

Pinaalalahanan ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa mga posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa mararanasang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Inaasahang magkakaroon naman ng kaulapan at katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.

Samantala, may kaulapan na may kasamang panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms ang inaasahan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng shear line o localized thunderstorms. Pinag-iingat din ang mga lugar dito sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.