LA TRINIDAD, Benguet – Nadakip ang isang Pastor, na tinaguriang No. 2 Regional Top Most Wanted Person, ng mga tracker team ng Itogon Municipal Police Station sa Sitio Balantog, Barangay Poblacion, Luba Abra, noong Enero 18.
Kinilala ang nadakip na si Melchor Langbayan Balance, 60, alyas Commander Kawar, dating commander ng binuwag na Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) at residente ng Barangay Ol-olingen Villaviciosa, Abra.
Nabatid kay Col. Damian Olsim, provincial director ng Benguet Provincial Police Office, mula pa ng taong 2015 ay pinaghahanap na ang suspek hanggang maitala ito bilang regional top most wanted person noong 2019.
Ayon kay Olsim, nakatanggap ng impormasyon ang Itogon MPS sa kinaroroonan ng suspek, kaya agad na nagsagawa ng operasyon, kasama ang mga operatiba ng Regional, Benguet at Abra Provincial Intelligence Unit, at 1504th Regional Mobile Force Battalion 15.
Ang pagkakadakip sa suspek ay sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Marso 20,2014 ni Judge Jennifer P. Humiding, Presiding Judge ofBranch63, Regional Trial Court, La Trinidad, Benguet sa kasong Murder na walang piyansa.