Hinatulan ng Sandiganbayan na makulong si dating Maguindanao Governor Sajid Ampatuan kaugnay sa kasong 8 counts ng graft at falsification of public documents.

Gayunman, hindi humarap si Ampatuan sa hukuman nang ibaba ng 5th Division ng anti-graft court ang desisyon laban sa kanya nitong Biyernes.

Dahil dito, ipinaaaresto na siya ng korte kasunod na rin ng mosyon ng prosecution panel na maglabas ng warrant of arrest upang pagdusahan nito ang kanyang parusa.

Idinahilan naman ng panig ng depensa, nagkaroon ng "gout" si Ampatuan kaya hindi na ito nakadalo sa promulgation ng desisyon ng hukuman.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sa desisyon ng korte, napatunayang nagkasala si Ampatuan sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) kaya hinatulan itong makulong hanggang walong taon sa bawat bilang ng kanyang kaso.

Mula dalawang taon hanggang anim na taon naman ang inihatol sa kanya ng korte sa falsification of public documents.

Nag-ugat ang kaso sa mga "ghost project" na ginastusan ng mahigit sa P22 milyon, kabilang na rito ang farm-to-market road, at sa pagbili ng langis sa gasolinahan ng kanyang kapatid na si Sajid Ampatuan, Jr. 15 taon na ang nakararaan.

Bukod dito, inatasan din siya ng korte na bayaran nito ang Maguindanao government ng P22.367 milyong civil indemnity, bukod pa ang multang P5,000 sa bawat bilang ng kanyang kasong falsification of public documents.