Patay ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng kaniyang umano'y lasing na kapitbahay matapos umano siyang pumasok sa tahanan nito sa Brgy. Mayamot, Antipolo City nitong Linggo ng gabi.

Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si Joseph Javier dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan habang arestado naman ang suspek na si Conrado Arzubal, kapwa residente ng naturang barangay.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-10:40 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob mismo ng bahay ng biktima na matatagpuan sa Granada St., Pagrai Hills, sa Brgy. Mayamot.

Nauna rito, umuwi umanong lasing si Arzubal sa kanilang tahanan, kung saan sinabi umano ng kaniyang live-in partner na ang biktima ay pumasok sa kanilang bahay.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Ikinagalit umano ito ng suspek kaya’t sinugod ang biktima sa bahay nito at kinumpronta.

Nauwi naman umano sa mainitang pagtatalo ang kumprontasyon hanggang sa magbunot ng balisong ang suspek at pinagsasaksak ang biktima, na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Gayunman, wala pang malinaw na pagsisiyasat kung bakit pumasok ang biktima sa bahay ni Arzubal.

Isang concerned citizen naman ang agad na nakapagsumbong sa mga otoridad ng insidente kaya’t rumesponde ang mga ito at mabilis na inaresto ang suspek.

Si Arzubal ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay sa piskalya.