MANGALDAN, Pangasinan -- Inaresto ng mga otoridad mula sa Pampanga ang dalawang babae dahil sa computer-related identity theft at swindle/estafa noong Martes, Nobyembre 15.
Kinilala ni Col. Fidel Fortaleza, hepe ng Regional Anti-Cybercrime Unit 3 (RACU 3), ang mga suspek na sina Jessica Garcia at kasabwat nitong si Queen Elizabeth Paragas, na inaresto sa ZM Store sa loob ng Mangaldan Public Market sa Brgy. Poblacion ng lugar na ito.
Inaresto ang mga suspek dahil sa umano'y paglabag sa Sec 4(b) (3) computer related identity theft and Art 315 (Swindling/Estafa) kapwa kaugnayan sa Sec 6 of RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Iniulat ni Col. Fortaleza sa Philippine National Police ACG na ginaya ni Garcia ang Facebook account ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia para linangin ang kaniyang mga biktima.
Batay sa ulat, ginaya ng suspek na si Garcia ang account ni Jesus Garcia (complainant 1) para dayain ang mga kaanak ng huli kung saan siya humingi ng tulong pinansyal.
Ibinunyag ng biktima sa mga otoridad na nakatanggap siya ng mensahe mula sa isang pang pinsan na nakatira rin sa Saudi Arabia.
Ayon sa kanya, inusisa ng kaniyang pinsan kung gumawa siya ng pangalawang Facebook account na may profile name na 'Jess Garcia' gamit ang lumang larawan na nanghihingi umano ng pera sa kamag-anak.
Itinanggi ng biktima ang paggawa ng panibagong account at natakot siya na ang iba pang niyang kamag-anak ay maaaring mabiktima ng scammer.
Lumabas din na nabiktima rin ang pinsan ng biktima na si Francis. Aniya, nagpadala siya ng P8000 sa GCash account ng suspek noong Nobyembre 10.
Sinabi pa ni Buan na humingi pa ng karagdagang pera ang suspek at nang malaman na ang panloloko, agad itong nagsampa ng reklamo sa tanggapan ng RACU 3.
Ang reklamo ay humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong kriminal dahil sa paglabag Sec 4(b) (3) computer related identity theft and Art 315 (Swindling/Estafa) kapwa kaugnayan sa Sec 6 of RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012). Pareho sila nasa kustodiya ng RACU 3 para sa inquest proceedings.
"As Christmas is fast approaching, ACG once again reminds everyone to always be vigilant, especially in making online transactions. Scammers will use all sorts of schemes to rob you of your money,” ani BGen. Joel Doria, director ng Anti-Crime Cyber Group.