Nanggalaiti ang mga netizen sa ibinahagi ng concerned vlogger na si "JnE FamVlog" dahil sa umano'y panloloko ng isang customer sa isang bulag na tindero sa Basak, Lapu-Lapu City, kung saan pekeng ₱1,000 bill ang ibinigay sa kaniya.
Nanawagan ng tulong ang naturang vlogger na kaawa-awa ang kalagayan, subalit pinili pa ring huwag maging pabigat at magbanat ng buto. Kaya nga lamang, marami pa rin ang mga taong "walang puso" na pinipiniling manloko ng kapwa sa kabila ng matinding kalagayan at pinagdaraanan nito.
Nagtitinda ang bulag na tindero ng mga face mask sa presyong ₱100. Nasuklian niya ng ₱900 ang bumili sa kaniya, na nag-abot sa kaniya ng pekeng ₱1K bill.
Matapos namang i-post sa social media ay bumaha umano ng tulong mula sa iba't ibang concerned netizen ang naturang bulag na tindero.
Sa kabilang banda, may scammer pa rin na gustong harbatin ang mga tulong-pinansyal na ipinadala ng mga concerned netizen sa GCash account ng bulag na tindero, ayon sa pagsisiwalat ng vlogger.
Ayon sa humahawak ng GCash ng matanda, may tumatawag daw sa kaniya upang hingin ang code ng GCash account nito, at magpapadala raw ng ₱20,000.
Payo naman ng vlogger, huwag ibibigay ang code dahil hindi naman ito kailangan sa pagpapadala ng pera. Malinaw aniya na isa itong scam at balak pa yatang limasin ang mga tulong na ipinadala ng mga mapagmalasakit na netizen.