Pinatalsik sa playing court si TNT Tropang Giga center Poy Erram matapos pumutok ang ulo ni San Miguel player Moala Tautuaa sa matinding hampas nito sa kanilang winner-take-all Game 7 sa Araneta Coliseum nitong Linggo ng gabi.
Sa nasabing pagkakataon, pasalaksak na sa basket si Tautuaa nang salubungin ni Erram sabay hampas sa ulo nito 55 segundo na lamang ang nalalabi sa second quarter.
Natumba si Tautuaa habang hawak nito ang kanyang ulo na pumutok sa insidente kung saan abante ang Beermen, 63-52.
Kaagad na tinawagan ng flagrant foul si Erram at pinatalsik ito sa laro.
Naibuslo pa ni Tautuaa ang dalawa niyang free throw hanggang sa matapos ang first half, 65-52.
Kinailangang pang tahiin ang sugat ni Tautuaa sa kanilang locker room.
Wala si TNT coach Chot Reyes sa nasabing laban matapos mahawaan ng coronavirus disease 2019.