Makatatanggap na ng financial assistance ang mahihirap na estudyante kada Sabado hanggang Setyembre 24 ng taon, ayon sa pahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes.
Ito ang isinapubliko ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa isinagawang public briefing sa Malacañang nitong Agosto 18.
Aniya, aabot sa₱1,000 ang ibibigay nila sa mga elementary student,₱2,000 naman sa mga high school student, at₱3,000 naman sa mga estudyante sa senior high school.
Nasa₱4,000 naman ang inilaan ng DSWD para sa mga college student o kumukuha ng vocational course.
Paniniyak ng DSWD, tatlong benepisyaryo ang tatanggapin kada pamilya.
“This program is aimed to help our indigent students all over the country, which means to say children coming from poor families will be given cash assistance to buy their school supplies or whatever that they need in school,” ayon sa kalihim.
“Ngayon, sino po ba ang pupuwede? Lahat po ng mga bata, anak ng mahihirap. Hindi lamang po solo parent. Halos lahat na po kasi,” paglilinaw pa nito.