Tila may pinariringgan ang ang batikang aktor na si Romnick Sarmenta sa isang "sining daw pero binabago naman ang katotohanan" ayon sa kaniyang tweet noong Agosto 2, 2022.
Aniya, hindi na sana siya magkokomento tungkol dito dahil sayang lamang ang oras, letra, at mga salita niya laban sa mga taong ginawa umanong excuse ang sining para magbali ng katotohanan, at pagkaperahan pa ito.
"Magko-comment sana ako, pero sayang ang oras, titik at pananalita sa mga taong ginagawang excuse ang art, at binabago ang katotohanan sa pamamagitan ng sining," aniya.
"Kasing sayang ng oras na binuo ninyo yung pinagkaperahan ninyo."
"E di magalit kayo. Nagsasabi lang ako ng totoo."
Sumagot naman dito ang sikat na historyador na si Xiao Chua.
"Sobra-sobra nang taas ng respeto ko kay Romnick Sarmenta. Naku ngayon abot na hanggang bubong!"
Bagama't walang binanggit kung sino o anong grupo ang pinariringgan, ipinagpalagay ng mga netizen na ang tinutukoy niya ay ang "Maid in Malacañang" ni Darryl Yap.
Sa katunayan, nagpakawala ng sunod-sunod na tweet ang aktor na may kalakip na litrato ng kaniyang sulat-kamay na mensahe, saloobin, at tula tungkol sa kasinungalingan, katotohanan, at pagbaluktot sa kasaysayan.
"Gumising ka bago malimot ang kasaysayan, tumindig kahit mag-isa, sa gitna ng mga kasinungalingan."
"Kasaysayang pilit mang baluktutin, sa mga palabas, at salitang sadyang baguhin,/Gumising ka, bago ka bangungutin!" ilan lamang sa mga taludtod ng kaniyang tulang nasusulat-kamay sa isang papel.
Kapansin-pansing pulang tinta ang ginamit niyang panulat.
Si Romnick ay isa lamang sa mga celebrity na certified Kakampink at nagpahayag ng pagsuporta sa Leni-Kiko tandem noong halalan.