CAMP GEN. VICENTE LIM, Calamba City, Laguna – Sa pagnanais na mamuhay nang matiwasay, siyam na rebeldeng New People’s Army (NPA) na kumikilos sa Quezon ang sumuko sa gobyerno Biyernes, Hulyo 15.
Ayon sa kanila, hindi nagdulot ng kapayapaan sa kanila at sa mga pamilyang naiwan ang kanilang buhay sa pagtatago.
Nagdesisyon na raw silang sumuko nang mapagtanto nilang mas naging mahirap ang buhay para sa kanila kumpara sa ipinangako sa kanila ng Leftist group.
Ayon sa kanila, naisipan nilang sumuko matapos nilang malaman na nagbibigay ng mga programa ang gobyerno sa mga dating rebelde upang matulungan silang magkaroon ng sustinidong kabuhayan.
Ang siyam na rebelde, ayon sa Police Regional Office (PRO) 4-A, ay boluntaryong sumuko matapos ang masinsinang pagkumbinsi ng Regional Mobile Force Battalion 4-A at Infanta, Quezon police station.
Kabilang sila sa Kilusang Larangan Gerilya (KLG)-Narciso at mga natirang nalansag na KLG-Cesar.
Ibinigay ng mga sumuko sa mga awtoridad ang isang Colt M16 (defaced) na may dalawang mahabang magazine na may 58 rounds ng bala at isang shotgun na may tatlong round ng bala.