Nag-aalburoto pa rin ang Bulusan Volcano sa Sorsogon, ayon sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado.

Ito ay matapos maitala ng Phivolcs ang 15 pang pagyanig sa nakaraang 24 oras.

Bukod dito, naitala rin ng ahensya ang ibinugang 724 toneladang sulfur dioxide nitong Hunyo 30.

Gayunman, hindi matantiya ng Phivolcs ang taas ng ibinugang usok ng bulkan bunsod na rin ng makapal na ulap sa bukana nito.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Ipinaiiral pa rin ang Alert Level 1 sa Bulusan Volcano na nangangahulugang mapanganib pa rin ang paglapit at pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) nito.

Ipinagbabawal din ng ahensya ang pagpapalipad ng eroplano malapit sa bulkan dahil sa banta ng phreatic eruptions.

Matatandaang pumutok ang bulkan noong Hunyo 5 at ang pinakahuli ay nitong Hunyo 12 kung saan nagbuga ito ng makapal na abo na ikinaapekto ng mga lugar sa paligid nito.