Isa sa mga napag-usapan nina Ogie Diaz, Mama Loi, at Dyosa Pockoh sa latest vlog ng 'Ogie Diaz Showbiz Update' ang intriga ng mga netizen sa haka-hakang baka lilipat na sa GMA Network si Unkabogable Star Vice Ganda, na sumikat nang husto sa ABS-CBN.
Ayon kay Mama Loi, may nakakita umano kay Vice na nakikipag-meeting sa dating direktor sa ABS-CBN na si Direk Edgar 'Bobot' Mortiz, at ngayon ay associated na sa Kapuso Network. Siya ang direktor ng sitcom ni John Lloyd Cruz na 'Happy ToGeTher' simula nang lumipat na ito sa GMA.
Usisa raw ng mga 'Marites', ano raw kaya ang pinag-usapan ng dalawa? May mga kumakalat ding espekulasyong baka si Meme ang napipisil daw na pumalit sa iniwang time slot ni Willie Revillame sa Kapuso Network (Wowowin).
Sey naman ni Ogie na kaibigan at dating talent manager ni Vice, bagama't wala siyang alam sa mga detalye ng pag-uusap nina Vice at Direk Bobot, ang alam niya, kaya nagkita ang dalawa ay para pag-usapan ang isang show abroad. Kung may iba pa raw napag-usapan, wala na siyang ideya.
Nakukuwestiyon din umano ang no show ni Vice sa birthday celebration ng isa sa mga big boss ng ABS-CBN na si Cory Vidanes.
Natanong din nila kung may network contract pa ba si Vice sa ABS, bagama't araw-araw pa rin namang napapanood ang komedyante-TV host sa noontime show na 'It's Showtime'.
Sa kalakaran daw ng contract signing ngayon ng mga big star na kagaya ni Meme, dapat daw kasi ay may pa-special event para dito. O baka naman may existing contract pa siya sa ABS kaya hindi pa nagaganap ang pirmahan ng kontrata.
Anyway, wala pang tugon, reaksiyon, o kumpirmasyon si Vice tungkol dito, bagama't sa kasagsagan ng pandemya at pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN ay nangako siyang hinding-hindi niya iiwanan ang Kapamilya Network, 'magkamatayan' man.
Sa January 16, 2021 episode ng noontime show, naungkat ni Vice ang pagpapakain ng alikabok ng AlDub (Alden Richards at Yaya Dub/Maine Mendoza) sa 'It's Showtime', sa kasagsagan ng pamamayagpag ng Kalyeserye ng kalabang noontime show na 'Eat Bulaga' noong 2015.
“Ako talaga, hinanda ko na ‘yung sarili ko. Feeling ko talaga, tatanggalin kami noong panahon ng AlDub. Feeling ko wala nang nanonood ng ‘Showtime.’ Parang buong Pilipinas, nakatutok sa AlDub.”
"Parang hindi ka dapat nanonood ng ‘Showtime,’ dapat lahat tayo nakatutok lang sa AlDub. Yung ganun. Tapos ang baba-baba na ng ratings ng ‘Showtime.’”
"Tinanaggap ko na feeling ko, anytime soon, tatawagan ako ng management. Tapos sasabihin, ‘We are cancelling the show.’ Tanggap ko ‘yun. Tapos, hindi nangyari. Hindi ginawa ng ABS-CBN. Hindi ako nilaglag. Hindi nilaglag ‘yung show."
"That’s why he’s been very vocal about fighting for ABS-CBN’s franchise renewal, which was denied in July last year."
“‘Yun ang pinanghahawakan ko eh. Magkamatayan na. Hindi ko iiwanan itong ABS-CBN ngayon. Kasi noong nangyari ito sa buhay ko, hindi ako iniwanan ng ABS eh. Lahat kaming hosts, lahat kaming show, isama na natin yung director namin, hindi ‘yan iniwanan ng ABS noong mukha na kaming kawawa at halos patay na kami… Ngayon na nangyayari ito sa ABS, hindi rin kita iiwanan katulad ng hindi mo pang-iiwan sa akin noon,” aniya.
Hanggang ngayon ay wala pang bagong prangkisa ang ABS-CBN subalit napapanood naman ang mga programa nito sa mga online platforms at iba pang partnered TV networks gaya ng A2Z Channel 11 at TV5.