CLAVERIA, Cagayan -- Patay ang isang lalaking may hawak na cellphone matapos tamaan ng kidlat habang sugatan naman ang kasama nito noong Linggo, Marso 20, sa Brgy. Centro 1.

Kinilala ni Police Senior Master Sergeant (PSMS) Richie Roger Q. Hernandez ang namatay na si Albert Ulnagan alyas Henry, 21, habang ang sugatan naman ay si Romnick Yadao, 16. Pareho silang residente ng Brgy. Pata East, Claveria, Cagayan.

Nangyari ang insidente dakong 3:20 ng hapon.

Sa pagresponde ng RESCUE 41, lumabas na ang mga biktima ay nakaupo sa tabing dagat sa isang resort nang tamaan ng kidlat ang isang pine tree na malapit sa kanila. Nakuryente ang dalawa na ikinamatay ni Ulnagan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sinabi ng Claveria Police Station na nagsagawa ng CPR (cardiopulmonary resuscitation) ang RESCUE 41 para i-revive si Ulnagan bago ito dalhin sa Northern Cagayan District Hospital kasama ang isa pang biktima para sa agarang lunas.

Sa kasamaang palad, idineklarang dead on arrival si Ulnagan habang nagtamo naman ng minor injuries si Yadao na ngayo'y sumasailalim sa medikasyon sa nasabing ospital.