CAGAYAN - Natusta nang buhay ang apat katao, kabilang ang isang coffee shop owner, nang lumiyab ang sinasakyang kotse matapos sumalpok sa poste ng ilaw at sa isang puno sa Barangay Anquiray, Amulung nitong Sabado ng gabi.
Sunug na sunog ang bangkay ni Nicole Jarrod Molina, negosyante, at taga-Zone 2, Brgy. Centro, Amulung, Cagayan; at tatlong empleyado nito sa Bonitos Café na sina Oliver Taganna Jr., Benjie Pascual at Michael India, pawang taga-Brgy. Estefania, Amulung, Cagayan, nang mataguan sila ng mga awtoridad sa loob ng kotse.
Sa paunang ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa national highway daong 11:00 ng gabi.
Sinabi naman ng Cagayan Provincial Police Office, patungong katimugang bahagi ng Amulung ang apat, sakay ng itim na kotseng Mazda na minamaneho ni Molina nang maganap ang insidente.
Bigla na lamang sumalpok ang kotse sa poste ng ilaw at bumangga rin sa punongkahoy.
Sa lakas ng pagkakabangga, bigla na lamang umanong sumiklab ang kotse kung saan nasunog ang apat.
"Nasunog ang apat sa loob ng sasakyan at hindi na nakalabas," pagkumpirma naman ni Amulung Police chief, Maj. Llewilyn De Guzman.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente.