Tinagurian ni Manila Mayor Isko Moreno si Vice Mayor Honey Lacuna bilang Ina ng Maynila.
Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng pamahalaang lungsod ng International Women’s Day nitong Martes, umapela rin sa mga Manilenyo si Moreno, na siya ring standard bearer ng partidong Aksyon Demokratiko sa May 9 presidential elections, na bigyan nila si Lacuna ng pagkakataon na makapaglingkod sa kanila bilang susunod na alkalde ng Maynila.
“Sana, pagbigyan nyo ako na sana, ang isunod ninyo sa akin na mayor ay si Vice Mayor Honey Lacuna,” panawagan pa ni Moreno.
Kasabay nito, tiniyak rin ng alkalde sa mga residente na kung si Lacuna ang magiging susunod na alkalde ng lungsod ay pantay-pantay ang matatanggap na pagkakataon ng mga residente ng Maynila, kahit ano pa ang kanilang kasarian.
Sinabi ni Moreno na ikinararangal niya ang mga kababaihang tumutulong sa kanyang administrasyon upang magtagumpay ang lahat ng programa nito, sa pangunguna ni Lacuna.
“I am extremely proud, happy and grateful to the people of Manila for having given me a woman partner to administer over about two million citizens. I hope I did not fail you,``Aniya.
Binanggit rin niya ang suporta na kanyang natatanggap mula kay Lacuna at sa kakayahan nito bilang vice mayor, Manila City Council presiding officer at pinuno ng health cluster ng lungsod, bilang isang doktor.
Ayon pa kay Moreno, maging si Congressman Yul Servo na tumatakbo bilang vice mayor ni Lacuna ay mapalad kay Lacuna bilang working partner dahil alam na aniya nito ang pasikot-sikot ng trabaho simula pa noong maupo sila noong 2019, lalo na ngayong may pandemya.
Malaki ang pagtitiwala ni Moreno na tulad din ni Lacuna si Servo ay magiging epektibo sa pagsuporta sa pamahalaang lungsod base na rin sa service record nito sa legislation. Bilang isang Presiding Officer ng Manila City Council, na kanyang hahawakan sa kanyang pag-upo bilang vice mayor, ang trabaho dito ay katulad lang ng naging trabaho nito sa Kongreso.
Sa Maynila, sinabi ni Moreno na silang dalawa ni Lacuna ay may katangian na parang mag-asawa. Kapwa sila mayroong pantay na oportunidad.
“Ang aming policy ay pantay-pantay na oportunidad para sa lahat. Kung magaling ka, pwede. Kung me maitutulong ka, sama ka. Never kaming tumingin sa katayuan o kasarian. Lahat ay base sa merito,” sabi ni Moreno.
Sinabi pa ng Presidential aspirant na marami siyang napirmahang promosyon pero hindi niya ito mga nakaharap dahil kwalipikasyon ang kailangan.