Mukhang walang pakialam si Toni Gonzaga-Soriano sa mga pag-cancel sa kaniya sa social media dahil sa hayagan na niyang pagpapakita ng pagsuporta sa kandidatura kay presidential aspirant Ferdinand 'Bongbong' Marcos ng UniTeam.
Matapos i-post ang kaniyang pagbibitiw sa reality show na 'Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10' bilang main host at i-unfollow ang mga celebrity friend, nag-post ng litrato sa Instagram story si Toni kung saan makikita ang pagkamay nila ng kaniyang ninong sa kasal na si BBM, na naganap sa mismong proclamation rally.
"You are welcome, my president!" caption ni Toni.
Ito ang tugon niya sa pasasalamat naman ni BBM kay Toni dahil sa mahusay umanong pagho-host ng proclamation rally sa PH arena, sa pamamagitan ng social media post.
"Taos pusong pasasalamat kay Toni Gonzaga-Soriano sa pagiging host ng Uniteam Proclamation Rally," ani BBM.
"Isang makasaysayang gabi na hindi namin malilimutan ni Mayor Inday Sara kapiling ang aming mga tagasuporta, pamilya, kaibigan at mga nanindigan para sa ating samahan ng pagkakaisa - gaya mo Toni."
"Maraming salamat muli sa lahat!"
Makikita naman ang pagkomento rito ng emoticons na ?❤️✌️???? ang beteranang aktres na si Dawn Zulueta.
Bukod doon, ibinahagi rin niya ang screengrab ng pagiging #1 trending ng vlog ng kapatid na si Alex Gonzaga kung saan tampok sila ng mister na si Direk Paul Soriano at ang mister ni Alex na si Mikee Morada. Binati niya ang kapatid ng congratulations.
Sinabihan din niya ng 'You're always welcome' si senatorial aspirant Mark Villar na kasama sa line-up ng mga senador ng UniTeam.
Number 4 trending naman ang panayam niya sa mag-asawang Oyo Boy at Kristine Hermosa sa ToniTalks.