Permanent suspension ang hatol ng Twitter sa account ng social media personality na si Jam Magno matapos umano’y lumabag ito sa kanilang patakaran.
Si Magno ay kilalang supporter at tagapagtanggol ng administrasyon ni Pangulong Duterte. Ngayong nalalapit na ang Halalan 2022 sa Mayo, ang tandem nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte ang kaniyang opisyal na inendorso sa dalawang pinakamataas na opisina ng pamahalaan.
Nitong Lunes ng gabi, Enero 24, nagtatakang ibinahagi ni Magno ang kaniyang pagkakasuspendi sa Twitter.
“HOW ON EARTH DID THIS HAPPEN?” bungad ni Magno sa isang Facebook post.
“Uhm, should I be shocked? They just talked about this at the BBM interview. Am I part of the 300? I am soooooo confused. Is it because I tweet against Leni? And because I like BBM?,” sunod-sunod na tanong ni Magno.
Paliwanag naman ng Twitter, nakumpirma nitong nilabag ng account ni Magno ang ilang sa kanilang alituntunin.
“Your account is permanently in read-only mode, which means you can’t Tweet, Retweet, or Like content. You wonn’t be able to create new accounts,” dagdag na saad nito.
Gayunpaman, maaari pang umapela si Magno sa naging aksyon na ito ng Twitter.
Matatandaang naiulat noong Biyernes, Enero 21 ang pagdidispatsa ng Twitter Inc. sa mahigit 300 accounts na naiulat na nagpo-promote sa kandidatura ni Bongbong dahil sa patong-patong na paglabag sa ilang patakaran ng sociam media giant.
Sa isang pahayag ng Twitter, sinabi nitong binabantayan ng kanilang kampo ang mga kaduda-dudang impormasyon na layong manipulahin ang diskurso kaugnay ng eleksyon sa Mayo.